Bagets

"Punyeta—" ito na lang ang lumabas sa bibig niya nang dumulas ang paa niya sa kanal ng eskinitang iyon. Agad niyang hinalukay ang bag nitong maliit saka biningwit ang mumurahin niyang smartphone.

Sinindi niya ang ilaw nito at itinapat sa naputikan nitong paa. Doon niya nakita na buong paa nito ang nabalutan ng itim na putik ng kanal na nagmula sa mga kabahayang mukhang bundok ng basura mula sa malayo.

Nairita siya. Iyon pa man din ang assets niya sa suki niyang lalake. Napansin na nga niya ang mga missed call nito bago niya isara at ibalik sa maliit nitong bag.

Kailangan, mabango siya at hindi ito mangangamoy kanal.

Basang-basa na nga rin pala siya ng ulan dahil katamtaman lang ang sukat ng gamit nitong payong. At dahil malakas ang ulan, lumapit siya sa isang butas na alulod na may rumaragasang tubig ulan, at doon na binanlawan ang naputikang paa, wala na siyang pake kung mangamoy kalawanging yero pa ang paa niya.

"Sandali lang, papunta pa lang ako!" sinagot niya ang tawag ng customer sa phone niya.

"Puta ka! Libog na ako rito! Masyado ka namang makupad! Bilisan mo at malapit na ang alas dyes! Pauwi na ang misis ko—"

Pinutol niya na ang tawag. Lalo siyang narita sa pagdadabog ng lalake.

Hindi naglaan ang mga naninirahan sa lugar na iyon ng kahit isang pailaw man lang para paliwanagin ang madilim na eskinita na iyon. Sa halip, ang naging liwanag lang niya ay ang nagtatalimang kidlat na maya't mayang nagpapaliwanag sa dinaraanan niya. Wala namang magagawa ang maya't maya niyang pagsigaw dahil sa lakas ng kulog.

Naisip niya na napakahirap talagang kumita ng pera. Nagpapasalamat na nga lang siya at hindi siya gaya ng ibang pokpok na maraming utang. "Para sa anak!" lagi niyang binibigkas para magkaroon ng inspirasyon.

Maya-maya, napakunot siya ng noo. Nagpapansin siya sa isang nakasalubong na bagets na mukhang mapera at guwapo, pero hindi siya pinansin. Nasabi niyang mapera ang bagets nang malanghap niya ang gamit nitong pabango na mamahalin.

Hindi naman sa nagbubuhat ng sariling bangko, di hamak na maganda siya at sexy, lingunin ng mga lalakeng mahilig sa babae, pero parang natapakan pa ng lalake ang pride ng pokpok. "Siguro, bakla," sabi na lang niya sa sarili saka nagpatuloy sa paglalakad.

Ang usapan, dapat naroon na siya ng mga alas otso ng gabi, pero dahil umuulan nang malakas e natagalan siya sa paglalakad. Pasado alas otso y media na nang silipin niya ang oras sa phone. Iyon kasi ang bilin ng lalake sa babae, na dapat maaga siyang makipagkita dahil matagal labasan ang lalake.

"Ha? P-parang—"

Iyon na lang ang naging reaksyon niya nang makasalubong ang isang bagets. Kung hindi siya nagkakamali, iyon din ang kaparehong bagets na nasalubong niya kanina lang: guwapo at mabango, kapareho rin ng suot nitong dilaw na tshirt (na may nakasulat na itim na 'Grindr') at itim na short.

"Parang nasalubong na kita kanina, ah."

Napahinto ang bagets. Lumingon ito sa kanya.

"Hi, pogi!" lumapit siya rito at pinasukob. "Bakit wala kang payong? Magkakasakit ka niyan. Gusto mo ng quickie? 150 na lang para sa iyo, kahit dyan lang tayo sa tabi, sa madilim."

Hindi ito nagsalita.

May sasabihin pa sana siya sa bagets nang muling tumawag ang customer nito, "Oo na! Papunta na!" sagot niya at ibinaba ang tawag. Paglingon niya, nakalayo na ang bagets.

Hinayaan na lang niya at muli niyang sinuong ang madilim at maputik na eskinita na parang hindi na natapos, na parang wala nang hangganan. Malayo-layo na ang nalakad niya pero hindi niya pa rin nararating ang bahay ng customer niya.

Sa mga sandaling iyon, para na siyang nabuhusan ng malamig na tubig. Dahil mula sa dilim, muli niyang nakita ang bagets na dalawang beses niya nang nasalubong kanina. Hindi siya puwedeng magkamali dahil naaaninag niya ang hitsura ng bagets na iyon dahil sa liwanag ng matatalim na kidlat.

Pero hindi huminto sa paglakad ang bagets. Nilagpasan niya lang ang babae, nakatingin ang mga mata nito sa mata niya hanggang sa hindi niya na ito makita sa dilim.

Dito na nagmadaling naglakad ang babae. Hindi lakad kundi maya't mayang takbo. Napraning siya na baka bigla itong bumalik at habulin siya o kaya naman baka muli silang magkasalubungan.

Naihi ang babae sa kinatatayuan nito dahil sa takot matapos huminto nang makita niya uli ang bagets. Dito na siya naging hysterical. Binitawan nito ang hawak na payong at tumakbo palayo sa bagets. At dahil panay ang lingon niya sa likod—sinisigurong hindi siya hinahabol ng bagets—ay hindi sinasadyang mabangga sa isang matandang lalake, kasabay ng gulat at malakas na kidlat. Napakapit siya rito. Hindi niya alam kung maiiyak siya sa takot. Pinakalma siya ng lalakeng pansamantala siyang pinatuloy sa isang tent at pinahiram ng tuwalya.

"Iha, ano ba'ng nagyari sa iyo? Bakit wala kang payong? Basang-basa ka ng ulan, baka magkasakit ka."

"M-may ano po kase...m-may—" napahinto siya.

Nakita niya ang isang nakasabit na tarpulin. Naroon ang larawan ng kasalukuyang nakaburol sa harap ng bahay. Iyon din ang bagets na tatlong ulit niyang nasalubong kanina lang sa madilim na eskinita.

Comments