Bypass Road San Vicente

Bumaba ako paghinto ng jeepney sa crossing ng San Sebastian, sa tapat ng hotel Sogo. Doon nagsimula ang mahaba-haba kong paglalakad.

Pinagmamasdan ko lang ang mataas na building ng hotel Sogo sa San Sebastian, Tarlac. Hindi pa ako makatawid dahil mabibilis pa ang takbo ng mga sasakyan sa kalsada kaya medyo matagal-tagal din ang pagtayo ko sa gilid habang malakas ang ulan. Naka-uniform na ako at basang-basa na ang laylayan ng pantalon ko. Ang balak ko, papasok ako sa trabaho pagkatapos ng isang-bagay-na-hindi-ko-na-sasabihin-dito.

Itong ulan...hindi ko alam kung may bagyo o sanhi lang ng habagat. Bilang isang commuter, hassle ang ganitong lakad na maliban sa malayo na nga, mababasa pa ng ulan. Hindi na lang ako nagsabi na wala na akong pera para mag-trike papunta sa pupuntahan ko, na kailangan kong maglakad ng 1.5 kilometer habang umuulan. Hindi pa ako lumalampas sa kantong nasa likuran ng hotel Sogo pero basang-basa na ako. Alas otso pa lang ng mga oras na iyon. Alas dos pa ng hapon ang pasok ko sa trabaho.

Ang sabi nila, ang branch ng hotel Sogo ng Tarlac ang pinakamalaki raw sa buong Pilipinas. Ang natatandaan ko sa lugar na iyon e malawak din na lupain tapos merong malaking building na parang apartment-type. May maliit na karinderya ang sulok nito malapit sa police station. At ang entrance nito e may dalawang matataas na puno ng agoho. Natatandaan ko: mga late 90's pa iyon bago tumigil ang operasyon nito pagpasok ng bagong milenyo gayundin ang ongoing construction nito noong 2010's.

***

Hindi ko alam na bypass road iyon ng San Vicente.

Wala lang. Nabanggit ko lang. Ang pinakauna kong naaalala na dumaan kami roon ay ang nagdagat kami sa Anda, Pangasinan noong late 90's. Kung may sarili ka namang sasakyan, puwede kang dumaan sa bypass road para iwasan ang tindi ng traffic sa TSU.

***

Marami na palang kainan sa kahabaan ng bypass road. Malawak na talahiban lang ito noon. Magkakasama lang ang mga ito sa mga nagtataasang building na noon ko lang napansin (palibhasa, madalang lang akong gumawi roon dahil hindi ko hilig ang gumala). May mga kakilala nga na mangilang-ulit nang nanghihila sa akin para gumala roon pero wala, sa bahay lang talaga ako, higit lalo sa sitwasyon ko ngayon na may financial crisis at hindi puwedeng basta na lang magwaldas ng allowance. Pero, oo nga. Maganda ring subukan sabi ng ilang mga kakilala.

Maliban sa mga restaurant ay may napansin din akong golf driving range sa area na iyon. Billiard shop (mayroon nga ba?). Mga beauty at hair salon. Gasoline station. At syempre, mga disco resto bar pagdating sa dulong bahagi ng bypass road. Tahimik lang ang area ng mga oras na iyon pero buhay na buhay ang night life nito tuwing sasapit ang gabi.

Naranasan ko na ring magpunta sa isa sa mga disco resto bar ng bypass, doon sa CIRCUIT, noong December ng 2023, kasama ang mga co-staff sa work. Hinila lang kami noon ng isang bagong staff na mukhang sanay sa ganoong lugar: maraming tao, maingay na sound system, matatalas na LED at laser, nagtataasang jug ng alak, mala-gintong halaga ng pulutan, at hiyawan ng mga taong gusto lang i-enjoy ang kalayaan nila sa mga oras na iyon habang tumatagay hanggang mag-umaga...gaya ng grupo namin sa isang sulok. First time. Magulo pero masaya.

***

May nakakaalala pa ba sa KB Hamburgers? Late 90's din nang huli kong makita ang shop nito sa F. TaƱedo, Tarlac bago ito mawala. Wala na rin ang shop nito sa north side ng Tarlac Plazuela. Nabanggit ko lang ito dahil makalipas ang higit dalawang dekada, napansin ko ang isang shop nila sa bypass road na alam kong matagal nang defunct pero muling nagbalik sa operasyon nito ngayong January 2026, sa panibago nitong brand na KB Hamburgers & Sizzlers. Nostalgic, nakakamangha, pero hindi ko pa natitikman ang burger nila hanggang sa mga sandaling sinusulat ko ito. Sana, masubukan ko naman din ang burger nila soon at magkaroon ng expansions within Tarlac.

For non-Tarlac residence, heto ang official Facebook page nila: https://www.facebook.com/p/KB-Hamburgers-Sizzlers-61587235534192/

***

Ang gusto ko lang naman noon e magkaroon ng kausap. Masyado akong na-culture shock sa kulturang meron ang pagiging staff (o baka sa department lang namin, puwede ring dahil sa tao, I dunno). Siya ang una kong tinawagan noon para maglabas ng sama ng loob. Nagkita kami sa SM Tarlac at umangkas sa motor niya papunta sa bypass road. Madilim na rin ng mga oras na iyon. Iyon naman ang naaalala ko nang madaanan at makita ko ang 711. Nakatambay kami sa labas habang tumatagay ng San Mig Apple (hindi ako malakas tumagay). Pulutan namin ang mix nuts habang magkatabi, at halos mangiyak-ngiyak na dahil sa pagkukuwento ko tungkol sa isang senior na pinagpupunit ang bagong print na wire set-up guide na ginawa ko...na ayoko na sanang maalala ngayon dahil nakakabuwisit lang.

Isipin mo: gumawa ka ng document ayon sa utos ng senior ninyo. Nakita niyang may mali. Nakipagtalo pa siya sa kapwa-senior sa tamang format ng paggawa nito. Nagkaroon ng issue. Kinuha sa akin ang bagong print na document saka pinagpira-piraso sa harap ko. Tangina, ganoon na ba talaga sila ka-toxic?! Kaya ang payo, kahit saan ka pa magpunta, matuto ka pa ring tanggapin ang katotohanang mayroon at mayroong mga taong hindi maganda ang ugali sa workplace..."Gaya mo!" sabay tingin sa akin.

***

Tarlac Medical Center o TMC. Iyon ang pupuntahan ko ng mga oras na iyon. Marami na akong naalala pagdaan ko sa bypass road, malayo pa ang pupuntahan ko, at hindi pa rin tumitila ang malakas na ulan. Giniginaw ako, masakit na ang paa sa paglalakad, at nagugutom gawa ng hindi pa ako kumakain ng agahan. Parang wala nang silbi ang payong na gamit ko dahil pati likuran ko, basang-basa na rin kung hindi ko pa napansing basa na ang bag ko.

Sementado ang kalsada pero maputik na ang paa ko. Walang sideway ang kalsada at kung meron man, okyupado ito ng mga residente: mga halaman nilang naka-paso, ginawang carpark, extension ng negosyo nila, o basta na lang binakuran. Wala akong nagawa kundi ang lusungin ang baha sa kalsada. Kailangan kong magpatuloy sa paglalakad dahil higit pang mas lumakas ang ulan kung kailan papalapit na ako sa pupuntahan.

Hindi ko ma-gets: bakit parang mukhang liblib yata ang lokasyon ng TMC? Malayo kasi ito sa ruta ng mga jeepney, nakapaloob pa ito sa kabahayan o subdivision, at kung baguhan ka rito sa Tarlac e hindi mo agad matutunton ang daan papunta rito dahil wala man lang signage. Hindi ako magaling sumipat kung maganda ang isang ospital o hindi, pero di hamak na mas maganda naman ang TMC kumpara sa TPH na hindi man lang naglaan ng budget sa aspeto ng seguridad (kaya pugad din ng mga magnanakaw ang TPH dahil dyan ninakaw ang phone ko).

Hinahangaan ko ang TMC dahil, ang narinig ko, pinahahalagahan ng may-ari ng ospital na ito ang sining. Sa pagpasok pa lang, mapapansin na agad ang simpleng indoor garden. Nasa area ng billing ang isang open space kung saan nasa gilid nito ang collage painting. Nasa gitna ang isang maliit na food stall na may kapehan. May naka-display na vintage scooter sa tabi ng grand piano at maliit na entablado para sa tumutugtog ng violin. May simple at elegante ring mga painting ang mapapansin sa iba pang floor ng ospital, at may isang tambayan na may lamesita ng mga babasahin. Kung tama ang pagkakaintindi ko, may painting competition din ang ospital pero hindi ko na maalala ang ibang detalye.

Maganda ang 'vibes' ng TMC. Nakakagaan ng pakiramdam. Sana, ganyan din ang ibang ospital dito sa Tarlac.

Comments