Bente Pesos
Masakit na sabihan na "Walang kuwenta."
Hindi naman ako direktang sinabihang walang kuwenta pero naramdaman ko iyon noon sa mga kilos nila.
Kaya sakali man, sanay na rin naman na ako sa ganitong trato maging sa trabaho. Like, hindi na bago.
Sanay na tayo...kahit hindi dapat.
So, anong kinalaman ng bente pesos?
***
Year 2008
Nakatira kami sa G-2, 10-Doors Apartment, Camp Aquino San Miguel, Tarlac. Kabisado ko pa ang dati naming tiharan at nakakapagtaka lang na hindi ko makalimutan. Para makaiwas kami sa panggugulo sa amin ng mga inggit na kapitbahay, pansamantala muna kaming nanirahan sa isang subdivision sa Tarlac City proper.
Hindi ko alam kung ano talaga ang problema ng mga kapitbahay namin maliban sa inggit. May mga paratang sila na hindi totoo gaya ng pagiging tsismosa ni mama (hindi mahilig makipagkapitbahay si mama), pagiging malandi raw ng mga ate ko (pero yung mga anak pa mismo ng mga kapitbahay namin sa G-apartment ang una pang nagpabuntis sa ibang lalake), at kung ano-ano pa.
Kasama ang mga alaga naming aso't pusa, isinama namin sila sa subdivision na iyon at doon nanatili ng halos isang buwan. Hindi na kami nagsabi sa tatay namin dahil iyon din naman ang gusto niyang mangyari sa amin—ang iwanan ang tinitirahan namin sa G-2 para makakuha siya ng apartment unit niya sa Mindanao, para sa kabit niya.
Tuwing dumarating sa amin ang sahod mula sa ATM ng tatay ko, makikita namin na nabawasan niya na ito (nag-over the counter siya sa pagkuha ng pera sa hawak na ATM ni mama) kaya halos isang libo lang ang tinitira niya dahil inilalaan niya iyon sa kabit niya. Worst, limang daang piso at may panahon pang nag-iwan lang siya ng dalawangdaang piso sa ATM card.
Kaya ayun, pahirapan ang pagtira sa bahay na iyon, doon sa subdivision na iyon. Lalo pa't matagal uli ang bigayan ng sahod. Sa kanya lang kami umaasa noon para mabuhay.
Ang alam ko, nahihirapan din ako noon sa school kaya halos hindi ko maipasa ang ibang exams. Kinausap si mama sa school. Nalaman ng mga ate ko. Nagalit silang lahat sa akin. Noong mga sandaling iyon, parang gusto ko na lang matunaw sa kinalalagyan ko. Hindi ko alam kung paano ba ako dapat lulugar. Walang nagawa ang mga iyak ko noon at wala sa kanila, ni isa sa kanina, ang kinausap ko.
Hindi ko na alam kung ano na ang mga sumunod na ganap noon pero dumating na nga ang araw na wala na kaming makain. Hindi kami makautang sa malapit na tindahan dahil hindi namin sila kilala at, siguro, walang nagbalak dahil nagtitiis ang lahat. Bahala na mamaya, bukas, at sa mga susunod pang araw. Gutom kung gutom, bahala na kung saan ka puwedeng himatayin dahil sa gutom. Kung bakit kailangan pa kasi ng tatay namin na kunin niya ang lahat ng pera sa hawak na ATM ni mama e hindi ko alam.
Sabi ko na lang sa sarili, hindi naman iisa ang araw.
Hanggang maalala ko nga na may bente pesos pa ako sa bag. Nakita ko ang tuwa sa mukha nina mama saka nina ate, mapapansing nakahinga sila nang maluwag nang ibinigay ko iyon kay mama. Natuwa silang lahat. Agad silang nagsaing ng kanin, niluto ang biniling tuyo, at pinaghatian naming lahat. Pinatid ng binili naming tuyo ang tindi ng gutom namin gamit ang bente pesos.
Bente pesos lang iyon. Galing sa bag ko. Ang bag ko na biglang nagkaroon ng silbi.
***
September 2026
Iyon ang una kong naalala nang maghanap ako ng pamasahe pauwi pagkatapos ng trabaho, at nakita ang bente pesos na papel sa ilalim ng bag ko. Bente pesos na pansamantalang nagsalba noon sa sikmura naming kumalakam. Bente pesos na nagpapaalalang naramdaman ko rin ang silbi ko noon. Bente pesos na nagpapaalala sa kung gaano na kalaki ang agwat ng buhay mula sa wala hanggang sa ngayong ako na ang inaasahan ng pamilya.
Pero, hayaan na natin. Naging masaya naman ang tatay namin sa Mindanao noong mga panahong nagugutom kami rito sa Tarlac. Sigurado rin naman ako na masaya siya sa kung nasaan man siya ngayon.
***
Nakalimutan ko na dapat ang kuwentong iyon kung hindi lang dahil sa bente pesos. Kung bakit iyon pa ang dapat kong maalala e hindi ko alam.
Comments
Post a Comment